Umaapela si Deputy Speaker Rufus Rodriguez kay Vaccination Czar Carlito Galvez Jr at kay Health Secretary Francisco Duque III na ipadala rin sa ibang regional, local at private referral hospitals ang AstraZeneca COVID-19 vaccines.
Tinukoy ng kongresista na nagpadala naman ng bakuna ang pamahalaan sa mga pangunahing ospital sa ilang mga probinsya ngunit wala namang bakunang ipinadala para sa ibang mga regional, Local Government Unit (LGU) at pribadong pagamutan.
Ayon kay Rodriguez, kailangan rin ng mga doktor, nurses at iba pang health workers ang bakuna pandagdag proteksyon sa Coronavirus disease.
Sinabi ng mambabatas na ang ibang mga health personnel sa ibang mga ospital ay exposed o lantad din sa COVID-19 kaya nararapat lamang ang patas na pamamahagi ng bakuna sa ibang mga lugar.
Aniya, ang ibang regional, LGU at private referral hospitals ay lumalaban ngayon sa mga mas nakakahawang COVID-19 variant.
Inihalimbawa pa mambabatas ang libo-libong COVID-19 cases sa Northern Mindanao, mga probinsya sa Samar-Leyte, Bicol, Southern Tagalog, at ang pagkalat ng highly-contagious na UK variant ng virus sa Central at Northern Luzon tulad ng Baguio City at Mountain Province.