Kongresista, pumalag sa hindi pagbibigay extension ng DOF at BIR sa paniningil ng buwis

Tinuligsa ni Economic Affairs Vice Chairman Joey Salceda ang Department of Finance (DOF) at ang Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa hindi pagpapalawig sa pagbabayad ng buwis.

Ayon kay Salceda, habang ang mga gobyerno sa buong mundo ay nagmamalasakit sa pagbibigay ng tulong tulad ng pagkain, gamot at iba pang assistance, ang DOF at BIR aniya ay may gana pang magsabi na hindi nila palalawigin ang nakaschedule na tax deadline sa Abril 15.

Tinukoy ni Salceda na ang mga bansa na Indonesia, Vietnam, France, at Estados Unidos ay nagpatupad na ng extension at pinatigil muna ang paniningil ng buwis.


Giit ni Salceda hindi niya inaasahan na magiging “heartless” o walang puso ang mga taga DOF at BIR sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.

Sinabi pa ng kongresista na hindi nanghihingi ng pera ang publiko kundi nakikiusap lamang na palawigin ang petsa ng pagbabayad ng kanilang mga obligasyon sa gobyerno.

Facebook Comments