Pinaghahanda ni Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang pamahalaan sa lalong pagpapalakas ng health care capacity bunsod ng posibleng pagtaas ng kaso dahil sa bagong strain ng COVID-19.
Ayon kay Salceda, ang COVID-19 ay nag-mutate na sa United Kingdom (UK) at hindi rin malabo na mag-mutate domestically o sa loob ng bansa ang virus.
Malaki aniya ang tsansang mangyari ito na dapat paghandaan na ng gobyerno.
Sa kanyang aide memoire na isinumite sa liderato ng Kamara, tinukoy ng mambabatas ang pagsasaliksik sa United Kingdom kung saan ang bagong COVID-19 mutation ay 56 hanggang 70 percent na mas nakakahawa.
Dahil dito ay pinamamadali ni Salceda ang pagpapatibay sa House Bill 8285 o ang Bayanihan sa Bakuna Act para matiyak ang mas mabilis na vaccine procurement, distribution at administration.
Pinangangambahan ni Salceda na sa buwan ng Pebrero ay posibleng tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bukod sa agad na pagpasa sa Bakuna Act ngayong Enero, hiniling ng kongresista na mabakunahan na rin ngayong buwan ang mga healthcare workers at payagan ang pag-apruba ng mga bakuna na dumaan na rin sa mga Pinoy sa abroad.