Hinimok ni Senador Imee Marcos ang gobyerno na subukan ang konseptong “sponge cities” para maibsan ang pinsala ng mga bagyo tulad ng malawakang pagbaha na nararanasan sa Luzon at Bicol Region.
Paliwanag ni Marcos, ang pagbuo ng “sponge cities” ay isang storm water management strategy na naging tagumpay sa pagkontrol ng mga flash flood sa China at India.
Ayon kay Marcos, ang estratehiyang ito’y kabibilangan ng pinagsama-samang mga imprastraktura ng tubig, mula sa pinagbagsakan ng ulan patungo sa water treatment facilities na layuning makontrol ang baha at makaipon din ng tubig para gawing inumin o gamitin na panlinis.
Dagdag pa ni Marcos, ang mga aspaltadong kalsada at sidewalk na gawa sa mga buhaghag o mga may maliliit na butas sa ibabaw ay dapat ding subukan sa mga lunsod para masipsip nito ang mga ulan o baha.
Sabi ni Marcos, ibinabalik nito ang natural na flood control, habang patuloy ang paglawak ng kongkreto at aspaltadong mga lugar dahil sa tinatawag na urbanisasyon.
Binanggit ni Marcos, na ang sobrang buhos ng ulan ay padadaluyin patungong dagat sa pamamagitan ng isang buong sistema ng mga kanal, floodway at spillway para maiwasang bumigay at umapaw ang tubig sa mga tabing ilog at mga lawa.