Kontrata ng QC-LGU sa Zuellig Pharma Corporation, winakasan na ni Mayor Belmonte

Opisyal nang winakasan ng lokal na pamahalaan ng Quezon ang kontrata nito sa health firm na Zuellig Pharma Corporation dahil sa naitalang glitches sa EzConsult, ang lokal na online registration platform para sa vaccination booking services.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, maraming residente na sa lungsod ang nagrereklamo dahil sa pagkasira ng online system matapos buksan ng lokal na pamahalaan ang mga bagong slots para sa rehistrasyon.

Ani pa ni Belmonte, bagama’t binigyan nila ang Zuellig ng panahon para ayusin ang kanilang sistema ay nabigo pa rin ito sa ikasiyam na pagkakataon.


Nabatid na una nang nag-upgrade ang health firm ng kanilang system upang makatugon sa 50,000 gumagamit nito ngunit nanatili ang isyu nito sa teknikal.

Nakapagtala naman ang abogado ng lungsod na si Atty. Orlando Casimiro ng paglabag ng Zuellig sa kanilang contractual obligations matapos mabigong mapaganda ang kanilang programa.

Ang EzConsult platform ay una nang nagkaroon ng technical problems simula pa noong March 27.

Sa ngayon, nagpaalala si Belmonte sa mga residente na magparehistro muna sa city government-assisted QC Vax Easy portal na https://qceservices.quezoncity.gov.ph.

Facebook Comments