Inaantay na lamang ang magiging kapasyahan ni DPWH Secretary Mark Villar kaugnay ng resolusyon na ipinaabot ng Sangguniang Bayan ng Pili na nagrereklamo laban kina 2nd Engineering District Engr. Rebecca Roces, isang Project Engineer Moral, at kontratistang NFH Construction. Nag-ugat ang nasabing sumbong sa problemang naranasan at reklamong ipinaabot ng publiko sa 4-lane bridge sa Brgy. San Jose, Pili, Camarines Sur. Matatandaang mag-iisang taon pa lamang mula nang matapos ang kontrobersiyal na tulay subalit napansin na dilapidated o sira na kaagad ang flooring nito at nagbabadya ng kapahamakan sa riding public.
Magugunitang inihayag ni Councilor Paul Manaog, sa panayam ng RMN DWNX Naga 1611, na siya mismo ang magha-hand carry ng nasabing SB Resolution sa opisina ni Sec. Mark Villar sa Kamaynilaan.
Ayon pa kay Manaog, inaantay na lamang nila ang magiging aksyon ni Sec. Villar hinggil sa SB Resolution, kahit na hindi niya personal na nakausap at naibigay ang dokumento. Nagkataong nasa meeting si Sec.Villar nang dumating si Konsehal Manaog kung kaya’t pina-receive at iniwan na lamang niya ang nasabing resolusyon sa mesa ng Kalihim.
Umaasa ang pamunuan ng bayan ng Pili na magkakaroon ng positibong pagtugon hinggil sa bagay na ito si Sec. Villar sa kadahilanang malinaw ang ebidensiya na mayroong katiwalian dahil sa hindi pulidong pagtrabaho at pagkabutas kaagad nito pagkalipas lamang ng isang taon. Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng 90 million pesos.