Nakikipagpulong ngayon sa isang closed door meeting si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa kontrobersyal na business tycoon na si Alexander Wongchuking, ang pangulo at may-ari ng Mighty Corporation.
Si Wongchuking ay dumating sa Department of Justice (DOJ) bago mag alas tres ng hapon at hindi na nagpa unlak ng panayam sa media dahil hinihintay pa ang kanyang abugado na si Atty. Raymund Fortun.
Dumating din si NBI Director Dante Gierran sa DOJ kung saan kaninang umaga ay nauna nang nagtungo doon si Wongchuking.
Ang paglutang nito ay kasunod na rin ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ito ay arestuhin.
Kahapon sinabi ni Finance Secretary Sonny Domiguez na inutusan na niya ang BOC at BIR na magsampa ng P2.2b tax case laban sa Mighty Corp na isa sa pinakamalaking cigarette company sa bansa.
Ito ay may kaugnayan sa umano'y pamemeke ng kumpanya ng kanilang mga ginagamit na tax stamps para sa kanilang mga produkto.
Matatandaang noong nakalipas na Linggo ay sinalakay ng mga tauhan ng BOC ang warehouse ng Mighty Corp sa Pampanga kung saan nakumpiska ang mahigit sa 11,000 master cases ng mga mighty cigarettes na may mga pekeng tax stamps.
Ang paggamit ng mga pekeng tax stamps ay paglabag sa internal revenue code at maituturing na technical smuggling.