Koponan ng CCNHS, Wagi sa National Basketball Training Center League!

Cauayan City, Isabela- Tinalo ng Cauayan City National High School Main Campus ang ilang paaralan na kanilang nakalaban sa katatapos lamang na National Basketball Training Center League na inorganisa ng isa sa mga bilihan ng inihaw na manok.

Idinaos ang nasabing laro sa Brgy. Minante Dos Community Center na nilahukan ng labing anim (16) na paaralan sa buong Lalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Teacher Kim Francis Allam, Assistant Coach ng nasabing koponan, tinalo ng mga ito sa final round ang Tumauini National High School sa iskor na 84-47.


Dagdag pa niya, ito ang unang pagkakataon na naiuwi ng kanilang koponan ang kampeonato para sa nasabing laro.

Aniya, malaki ang naging partisipasyon ni Brgy. Captain Silverio ‘Beer’ Ramones na tumayong Coach para sanayin ang mga manlalaro.

Ayon naman kay Alvin Angoluan, MVP ng koponan, Grade 11 Student, disiplina sa sarili ang isa sa pangunahing naging sandalan ng mga ito para maipanalo ang naturang laro.

Nag-eensayo na ang kanilang koponan na binansagang ‘City Ballers’ bilang paghahanda sa kanilang susunod na laban bilang kinatawan ng Isabela sa National Basketball Training Center League Regional Level na idaraos sa Baguio City sa susunod na taon.

Facebook Comments