Cauayan City, Isabela- Tinututukan ngayon ng pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) region 2 ang iligal na gawain sa lambak ng Cagayan partikular sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Cagayan PIO, inihayag ni NBI Director Atty. Gelacio Bongngat na pagtutuunan nilang masawata ang usapin sa korapsyon, illegal logging at gambling, cybercrime gayundin ang scam gamit ang social media.
May ilang pulitiko at contractor ang kanilang iniimbestigahan na sangkot sa mga katiwalian lalo na ang mga proyektong kanilang ginagawa sa nasasakupang lugar.
Inihayag pa ng opisyal, may higit 5,000 board feet ang kanilang nakukumpiska sa mga nagsasagawa iligal na pamumutol ng kahoy habang tinututukan nila ang mga itinuturing na illegal logging hotspot sa probinsya particular ang Peñablanca at Baggao.
Pag-aamin pa ni Bongngat na may ilang pulitiko at unipormadong alagad ng batas ang di umano’y protektor sa iligal na gawain na iniimbestigahan ng ahensya.
Hindi rin umano sila titigil sa seryosong pagtupad sa tungkulin partikular sa usapin ng cybercrime at scam gamit ang iba’t ibang uri ng social media.
Hakbang din ng ahensya ang puksain ang iligal na sugal gaya ng jueteng, peryahan ng bayan at iba pa habang patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).