Tinanggap kanina ng Philippine Red Cross (PRC) ang donasyong food truck ng Korean Embassy sa Pilipinas na magagamit sa paghahatid ng hot meals sa mga biktima ng kalamidad o emergency situation.
Pinangunahan mismo nina PRC Chairman at CEO Sen. Richard Gordon at Korean Ambassador to the Philippines Inchul Kim ang isinagawang turnover ceremony sa PRC National Headquarters sa Mandaluyong City.
Ang food truck ay kumpleto ng mini-kitchen at magagamit para sa mabilis at maayos na pagluluto at paghahanda ng mga hot meals na sapat para sa 800 katao.
Ang food truck ay may eight-hour operation na akma sa mga feeding program at disaster response operations.
Sa kasalukuyan ay mayroong 15 food trucks ang PRC na nasa Metro Manila, Nueva Ecija, Iloilo, Davao City at Bacolod.
Nagpasalamat naman si Gordon sa Korean Embassy sa patuloy nitong pagkakaloob ng humanitarian assistance sa PRC.
Tiniyak ng PRC chief na makakaasa ang Korean Embassy na magbebenepisyo ng naturang donasyon ang mga lubhang nangangailangan sa bansa.