Arestado ang isang Korean national matapos ang ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang Mall sa lungsod ng Makati.
Ito ay makaraang tangkain niyang nakawin ang pera ng mismong kanyiang kababayang Koreano.
Sa ulat ng PNP-CIDG, kinilala ang naarestong Koreano na si Kim Jong Gil.
Inireklamo ito ng kaniyang kapwa Koreano na si Kim Chong Min, batay sa kaniyang reklamo sa CIDG, nakipag transaksyon siya sa suspek para maipapalit sa Korean Won ang kaniyang 230,000 Philippine Peso at ipadala sa bank account ng kaniyang kapatid sa Korea noong September 10, 2020.
Pero matapos maibigay ng complainant sa suspek ang pera ay hindi na ito nagpakita at nagpalusot pa na hindi pa siya nakakapag-load kaya hindi maka-access sa internet.
Dahil dito, humingi na ng tulong sa CIDG Manila ang complainant kaya ikinasa ang entrapment operation dahilan ng pagkakaaresto ng suspek na Koreano.
Sa ngayon, nahaharap na ang suspek na Koreano sa kasong estafa o swindling.