Krisis sa Marawi: Ang Simula at Katapusan (Infographic)

INFOGRAPHIC: Mayo 23 ng taong kasalukuyan ng sumabog ang balitang ang Marawi ay sinakop ng teroristang grupong  Maute. Ang grupo ay pinangungunahan ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute kasama ang sinasabing “Emir” ng ISIS sa Timog Silangang Asya at leader ng Abu Sayyaf Group na si Isnilon Hapilon.

Nagsimula ang lahat sa tangkang pag raid at pag serbe ng warrant of arrest ng mga sundalo sa isang bahay sa Basak, Malutlut kung saan napag alaman na ito ay kinaroroonan ng teroristang si Isnilon Hapilon. Doon na nagsimula ang krisis na umabot ng limang buwan.

Libu-libong mga residente ang naapektuhan ng gulo at umalis ng Marawi para sa kanilang kaligtasan. Sa mga panahon ding iyon ay nagdeklara ang Pangulong Duterte ng martial law sa buong Mindanao.


Pagkatapos ng limang buwang madugong pakikipagbakbakan ng militar sa teroristang grupo ay opisyal na ideneklara ni Defense Secretary Lorenzana noong Oktubre 16 na ang mga teroristang sina Omar Maute at Isnilon Hapilon ay napatay ng mga sundalo sa kanilang isinagawang operasyon. Sumunod na araw, Oktubre 17, ideneklara ng Pangulong Duterte ang liberasyon ng Marawi.

Nag-iwan ng malaking pinsala sa buong Marawi ang nagyaring krisis. Maraming namatay na mga sundalo, sibilyan at terorista. Umabot sa 163 ang nalagas sa hanay ng ating mga sundalo, habang 847 ang napatay sa hanay ng mga terorista. 47 mga sibilyan ang naitalang namatay dahil naipit sa gulo at 359,680 naman ang mga lumikas na mga residente at hanggang ngayon ay nasa mga evacuation centers pa rin.

Tinatayang aabot sa 5 bilyong piso ang halaga ng pinsalang tinamo ng bayan ng Marawi at maaaring aabutin ang rehabilitasyon nito ng 150 bilyong piso.

 

Facebook Comments