Iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na hindi krisis sa tubig kundi krisis sa sistema ang kinakaharap ng bansa.
Sa gitna na rin ito ng kakapusan ng tubig sa maraming lugar sa bansa ngayong tag-init at ang pagsusulong ng panukalang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR).
Ayon kay Poe, ang ugat ng krisis sa tubig ay ang krisis sa regulasyon.
Ang problema aniya, hindi dahil sa wala tayong sapat na resources kundi hindi natin epektibong napapangasiwaan ang ating mga resources partikular na ang tubig.
Sinabi pa ni Poe na daig pa tayo ng mga bansang disyerto na walang nangyayaring water interruption at nakakahiya aniya na ang Pilipinas na maituturing na arkipelago na napapalibutan ng tubig ay wala man lang sapat na mapagkunan ng malinis na tubig.
Tinukoy ni Poe na maraming ahensya o tanggapan ang namamahala sa water supply at irigasyon pero hindi lahat ay nag-specialize sa water management at regulation kaya ang koordinasyon sa mga mahahalagang programa at data collection ay limitado kung hindi man ay non-existent.