KULONG | Lalaking nanghalay sa anak ng kaniyang live in partner, kalaboso!

Quezon City – Arestado ang isang lalaki matapos ireklamo ng panghahalay sa 12-anyos na anak ng kaniyang kinakasama sa Payatas, Quezon City.

Ayon kay Police Superintendent Joel Villanueva, station commander-QCPD Station 6, mismong ang biktima ang nagturo sa mga awtoridad sa kaniyang amain na humalay sa kaniya na ang pinakahuli ay nitong Martes lang.

Sa loob ng presinto, dumating ang ina ng biktima pero sa halip na magalit sa kaniyang kinakasama ay kaagad nitong tinanong ang suspek kung sinaktan ba siya at hinanap din niya ang pera ng suspek at ang cellphone nito.


Pero nang pumagitna ang pulis at ihinarap ang biktima, umiiyak itong itinuro muli ang suspek na gumahasa umano sa kaniya.

Sabi pa ni Villanueva, lumalabas na hindi ito ang unang beses na nagsumbong ang bata sa sariling ina kaugnay ng panggagahasa sa kaniya ng amain pero mas pinaniwalaan ang depensa ng suspek.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na sinampahan ng kasong rape.

Facebook Comments