Kumakalat na Video sa Operasyon ng mga Sundalo sa San Mariano, Isabela, Ipinaliwanag ng 95th IB!

548

*Cauayan City, Isabela- *Isang lehitimong operasyon ang isinagawa ng tropa ng 95th Infantry Battalion, 5th ID, Philippine Army sa Brgy. Disulap, San Mariano, Isabela.

Ito ang inihayag ni Lt. Col. Gladius Calilan, pinuno ng 95th Infantry Battalion kaugnay sa kumakalat na video sa social media sa isinagawang operasyon ng mga kasundaluhan noong madaling araw ng March 30, 2019 sa naturang lugar.


Ayon kay Lt Col Calilan, nirespondehan lamang ng mga nakatalagang sundalo ang sumbong ng mga residente hinggil sa nakitang presensya ng mga New People’s Army (NPA) kung saan mayroon umanong pumasok na hinihinalang militia ng bayan sa bahay ng nangngangalang Noel Cabalonga.

Kinausap umano ng mga sundalo ang may-ari ng bahay subalit hiniling nito na ang kanilang Brgy Kapitan at Brgy Officials ang papasok at sumuri sa loob ng kanyang bahay subalit kalauna’y tumanggi rin ito.

Habang patuloy ang hot pursuit operation ng mga kasundaluhan sa lugar ay wala naman anyang nakita ang mga rumespondeng sundalo sa bahay ni Cabalonga.

Giit pa ni Lt Col Calilan na maaaring gumagawa lamang ng scenario ang ilan sa mga residente lalo na umano ang mga naroong Militia ng Bayan na nananakot sa naturang lugar.

Makikita naman anya sa video na hindi nakipag-away o gumawa ng karahasan ang mga rumespondeng sundalo kaya’t nanindigan ito na walang sundalo ang nang-aabuso sa kanilang nasasakupan.




Kaugnay nito, hindi pa rin anya mapapagod ang mga kasundaluhan na respondehan ang mga sumbong ng mamamayan kung kaya’t nananawagan ito sa lahat na makiisa sa mga alagad ng batas upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa tinitirhang lugar.

Facebook Comments