Kinumpirma ng Manila Police District Station 8 na may warrant sa kasong pagpatay sa Samar ang lalaking nang-hostage ng bata sa Sta. Mesa, Maynila matapos magwala at mamamaril nang hindi payagang sumakay sa tren ng PNR.
Ayon kay Police Superintendent Ruben Ramos, commander MPD Station-8, inamin ng 38-anyos na suspek na si Dominador Abrillo na mayroon itong kinakaharap na kaso sa Samar kaugnay sa pagkakapatay niya sa nobyo ng kaniyang dating kinakasama.
Sabi naman ni Ramos na ligtas na ang lahat ng nasaktan sa pagwawala ni Abrillo na nagpaputok ng baril na inagaw niya sa security guard ng PNR.
Matatandaang umaga nitong Lunes nang magwala si Abrillo at nagpaputok ng baril saka hinostage ang pitong taung gulang na Badjao na namamalimos noon.
Inabot ng isang oras ang pakikipagnegosasyon ng Manila Police Swat Team sa suspek na bandang huli ay sumuko rin sa mga awtoridad matapos maubusan ng bala.
Ligtas naman ang batang pulubi at nasa kostudiya na ng women and children’s desk ng kapulisan.
Dahil dito, nahaharap sa anim na kaso ng frustrated murder ang suspek dahil sa pinsalang naidulot sa mga biktimang nasaktan sa insidente.