Zamboanga City – Nakumpiska ng PNP Zamboanga City sa kanilang pagpapatrolya ang 125 na sako ng smuggled rice na naka-karga sa isang trak nitong ika-2 ng Hunyo na nanggaling umano sa loob mismo ng kampo ng Western Mindanao Command sa Upper Calarian Zamboanga City.
Batay sa report ng PNP Zamboanga, alas-9:50 ng gabi nitong June 2, 2018 nagpapatrolya ang mga pulis sa pangunguna ni Police Chief Inspector Ramon Bautista Jr nang mapansin ang isang puting trak na may plate number ACS 6904 na punong puno ng sako ng bigas.
Pinahinto ang trak at dito tumambad sa kanila ang 125 sako ng long grain white rice na may brand name na “Chef Brand” na may mga nakatatak na “Custom”.
Ang drayber ng trak ay kinilalang si Michael Napolereyes 29 anyos residente ng Talon-Talon Zamboanga City.
Hinanapan ng mga pulis ng dokumento ang drayber para sa mga ibinibyahe nitong bigas pero wala itong maipakitang mga papel kaya tuluyang kinumpiska ang mahigit isang daang sako ng bigas.
Wala pang official statement kaugnay dito ang pamunuan ng WESMINCOM.