Dahil patuloy na lumolobo ang kaso ng African swine fever (ASF), inirekomenda ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na puwedeng maging alternatibo sa karne ng baboy ang karne ng kuneho.
Ayon sa kalihim, mayaman ito sa protina at madaling palakihin at alagaan kaysa sa ibang hayop na kinakain.
Todo-suporta rin ang kagawaran sa pagpapalago ng industriyang ito lalo na at limitado ang rabbit farms sa Pilipinas.
Pero paglilinaw ni Dar, mas isinusulong ng gobyerno ang karne ng manok bilang kapalit sa baboy.
Nakasaad din sa website na “Livestrong” na halos kalasa ng karne ng kuneho ang manok, baboy, at baka.
Mainam raw ito sa mga nagdi-diet dahil sa mababa lamang ang calories na taglay nito.
Bagaman ligtas kainan, inihayag ng grupong World Animal Protection na hindi lang dapat karne ng hayop ang pagkuhanan ng protina, maging ang mga gulay.
“The move from DA to look at alternative sources of protein is a welcome move, but it should not be limited to looking at other meat sources, but include plant-based protein sources,” tugon ng animal rights advocate sa isang panayam.
Halos 200,000 baboy na tinamaan ng ASF ang naitalang pinatay simula pa noong Setyembre 2019.