Inobliga na ng Quezon City Local Government ang lahat ng business establishments sa lungsod na gumamit ng KyusiPass digital contact tracing app para sa kanilang mga empleyado at customer.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, layon nito na mapalakas pa ang contact tracing capability sa gitna ng tumataas ng COVID-19 cases sa lungsod.
Paliwanag ng alkalde sa ilalim ng bagong guidelines na inilabas ng Local Government Unit (LGU), obligado na magkaroon ng QR Code sa bawat establisyimento ang mga business owners mula sa Business Permits and Licensing Department para mai-tag ang lokasyon nito.
Dagdag pa ni Belmonte, kailangan ding magkaroon ng sariling contact tracing log ang mga individual stores sa loob ng mga mall para sa kanilang mga customer.
Giit ng alkalde, ang mga digital na kopya ng mga log ay dapat nakahanda para sa City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) anumang oras na kailangan para sa contact tracing.