Manila, Philippines – Ikinadismaya ni Senator Grace Poe ang matinding pagpalag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isinulong niyang panukala na magpaparusa sa mga taga gobyerno na magkakalat ng fake news.
Sa Senate bill number 1680 na inihain ni Senator Poe ay papatawan ng anim na buwan hanggang isang taong suspensyon at maari pang masibak at bawalan ng magtrabaho sa gobyerno ang magkakalat ng false news o fake news sa kanilang official at personal social media accounts.
Katwiran ni Roque, labag sa konstitusyon ang panukala ng senadora dahil sasagasa ito sa freedom of expression.
Pero ayon kay Sen. Poe mali ang interpretasyon ni Roque sa konstitusyon.
Ikinatwiran ni Senator Poe na bahagi ng tungkulin ng mga nasa gobyerno na maging responsable sa mga ilalabas nilang impormasyon.
Paliwanag ni Senator Poe, dapat ay tiyakin ng mga government officials na tama at totoo ang mga inilalathala sa kanilang social media accounts at sa iba pang platform dahil ang kanilang pagkakamali ay maaring magdulot ng panganib sa publiko at sa gobyerno.