Labi ng 72 OFWs na namatay sa COVID-19 mula sa Saudi Arabia, darating na sa bansa sa Biyernes

Darating na sa bansa ang labi ng 72 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasawi sa Saudi Arabia sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, sakay ng chartered flight ng Philippine Airlines, darating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Biyernes alas-9:40 ng umaga ang labi ng 62 OFWs na namatay sa COVID-19 habang ang 10 iba pa ay nasawi sa ibang kadahilanan.

Aniya, ang pagdating ng ika-apat na batch ng labi ng OFWs ay bahagi ng repatriation program ng DOLE sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO).


Ang mga labi ay mula sa Al Khobar, Jeddah at Riyadh.

Tulad ng mga naunang batch, sasalubungin ang mga namayapang bayani ng mga matataas na government official at bibigyan ng seremonya.

Sa ngayon, umabot na sa 264 ang naiuwing labi ng mga OFWs mula Saudi Arabia.

Facebook Comments