Labi ng dalawang nasawing piloto ng PAF, dadalhin sa Villamor Air Base para gawaran ng parangal

Inaasahan na ang pagdating mamayang gabi o bukas ng umaga ng dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi makaraang bumagsak ang sinasakyan nilang FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong Martes ng madaling araw.

Sa media advisory ng PAF didiretso sa Villamor Air Base, Pasay City ang mga labi ng dalawang piloto kung saan nakatada silang gawaran ng parangal.

Nangako rin ang liderato ng PAF ng patuloy na suporta sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing piloto.

Una nang sinabi ni PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo na inaasahang matutukoy na sa lalong madaling panahon ang sanhi ng pagbagsak ng FA-50 fighter jet dahil narekober na ang flight data recorder nito.

Nasa crash site na rin ang mga imbestigador ng PAF upang suriin ang pinangyarihan ng trahedya habang masusi namang binabantayan ng mga tauhan ng Philippine Army ang paligid ng Mt. Kalatungan, Brgy. Mirayon, Talakag Bukidnon.

Facebook Comments