Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay na ng mga awtoridad sa kanyang pamilya ang nahukay na bangkay na katawan ng dating estudyante na si Justin Bautista alyas ‘Ka Aira’ na naging CPP-NPA member matapos ihatid sa Barangay Guibang, Gamu, Isabela.
Partikular itong ipinasakamay ng pwersa ng 5th Civil-Military Operations Battalion (5CMOBn), 5th Infantry Division, Philippine Army, Cagayan Police Provincial Office at Baggao Municipal Police Station na tinanggap naman ng kanyang tiyahin na si Ginang Pilar Bautista kasama ang iba pang kaanak.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Army Major Jekyll Julian Dulawan, DPAO Chief ng 5ID, agad namang nagpakita ng kagustuhang bigyan ng disenteng burol ng kanyang mga kaanak si ‘Ka Aira’ dahil hindi na ito magagawa ng kanyang mismong pamilya dahil sa pagkakaugnay pa rin sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Nagpasalamat naman ang pamilya Bautista sa pwersa ng militar para hanapin ang mga labi ni ‘Ka Aira’ sa pagbibigay ng proper burial.
Nakisimpatya naman si MGen. Laurence Mina, 5ID Commander sa pamilya ng dating estudyante.
Ayon sa opisyal, biktima lamang ng mapanlinlang na panghihikayat ng CPP-NPA-NDF ang nangyari sa biktima.
Si alyas ‘Ka Aira’ ay dating estudyante ng Cagayan State University bago ito napabilang sa pagiging miyembro ng NPA.