
Wala pang linaw ang petsa ng repatriation sa Pilipinas ng labi ng Pinay caregiver na namatay sa airstrike ng Iran sa Israel.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan, wala pa kasing katiyakan kung kailan magbubukas ang airspace ng Middle East dahil nagpapatuloy pa ang tensyon sa rehiyon.
Tiniyak naman ni Caunan na naka-ugnayan na nila ang mga miyembro ng pamilya ng biktimang si Mary Anne de Vera sa Pangasinan at sa ibayong-dagat.
Sinasabing walang bomb shelter sa tinitirahan ni De Vera sa Israel kaya nakalusot ang shrapnel ng bomba na siyang ikinamatay nito.
Nilinaw naman ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac na may mga public bomb shelters naman na maaaring pagkublihan ng mga Pinoy roon.
Mayroon din aniyang alarma na tumutunog na hudyat na may paparating na bomba.










