
Kinumpirma ng Samahan ng mga Domestic Helper sa Gitnang-Silangan na iuuwi na sa kanilang tahanan sa Montalban, Rizal mamayang madaling araw ang labi ni Jenny Alvarado, ang Overseas Filipino Worker (OFW) na sinasabing namatay sa coal suffocation sa Kuwait.
Ayon kay Gina Ren, Deputy Secretary ng grupo, nasimulan na ang autopsy sa labi ni Jenny at pagkatapos nito ay idederetso na sa Montalban ang labi ng OFW.
Sinabi naman ni Migrant Workers Secretary Hans leo Cacdac na posibleng bukas ay malaman na ang resulta ng autopsy sa labi ni Jenny.
Ang pagsasailalim sa autopsy sa labi ng Pinay OFW ay kasunod na rin ng kahilingan ng kaniyang mga anak.
Tiniyak naman ni Cacdac na sa sandaling matapos ang imbestigasyon ng kanilang mga abogado sa tunay na sinapit ni Jenny sa Kuwait, maglalabas sila ng desisyon hinggil sa posibleng paghihigpit sa deployment o pagsuspinde sa pagpapadala ng Pinoy workers sa Kuwait.









