Labor issue sa Kuwait, tiyak mareresolba ng Philippine delegation

Tiwala si Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson at Kabayan Party-list Rep. Ron Salo na mahahanapan ng Philippine delegation ng solusyon ang ipinatupad na entry ban ng Kuwait sa mga Pilipino.

Nakakatiyak si Salo na sisiguraduhin ng Philippine delegation na ipaprayoridad sa bilateral agreement ng Pilipinas sa Kuwait ang pagbibigay proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Ayon kay Salo, halimbawa nito ang pag-iingat ng Philippine Embassy o POLO office sa passports ng OFWs sa halip na itago ng employer, at ang pagkakaroon ng Hotline for Immediate Assistance.


Iminungkahi rin ni Salo ang pagpapatupad ng Quarterly Proof of Life Verification kung saan kailangang regular na ipresenta sa tanggapan ng foreign recruitment agencies ang mga nagtatrabahong Pilipino bilang patunay na maayos ang kondisyon at kalusugan nito.

Sabi ni Salo, mahalaga rin na sa paglalatag ng solusyon para sa ating OFWs ay mapanatili pa rin ang maayos na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Facebook Comments