Laborer, Patay matapos Pukpukin ng Bato sa Ulo ng Nakaalitang Grupo

31

Cauayan City, Isabela- Patay nang pukpukin ng bato sa ulo ang isang laborer ng grupo ng kalalakihan na nakaalitan sa isang bar sa lungsod ng Cauayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Luna Police Station, nangyari ang insidente pasado alas-2:00 kaninang madaling araw sa Brgy. San Miguel, Luna, Isabela kung saan kinilala ang nasawi na si Rex Miranda, 37-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Concepcion sa naturang bayan.

Bukod kay Miranda, pinukpok rin ng bato sa ulo ang tsuper ng tricycle na si Jessie Lucas, 26-anyos, binata at residente ng Brgy. Pulay habang nagtamo naman ng gasgas sa ibang parte ng katawan si Jay-Ar Parungao, 29-anyos, residente naman ng Brgy. Mambabanga.


Lumabas sa imbestigasyon ng PNP Luna, nagsimula umano ang alitan matapos magitgit sa daan ng mga biktima lulan ng tricycle ang grupo ng mga suspek sakay naman ng motorsiklo.

Lingid sa kaalaman ng mga biktima ay sinundan na pala sila ng 6 na kalalakihan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay pinahinto umano ng mga suspek ang mga biktima lulan ng kanilang tricycle.

Dito na dali-daling pinukpok ng bato sa ulo si Miranda na dahilan ng kanyang pagkamatay habang nasa maayos ng kalagayan ang dalawang kasamahan nito matapos magtamo ng sugat sa ulo at gasgas sa katawan.



Kaagad namang tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.

Sa follow-up investigation ng mga awtoridad, may person of interest na umano sa pagkakakilanlan ng mga suspek.


Facebook Comments