Hinimok nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga botante na piliin ang kandidato na may sapat nang kakayahan para ipatupad ang mga batas at may matibay na plano para ibalik ang pagiging matatag ng Pilipinas.
Ang dalawang batikang mambabatas ay may 42-taong pinagsamang panunungkulan sa Senado, kaya naman sinisiguro nila na kayang-kaya nilang ipatupad ang lahat ng mga batas na kanilang ipinasa para mapaunlad ang buhay ng mga Pilipino.
Pagsisiguro ni Lacson, sa ilalim ng kanyang pamamahala ay maipapamahagi nang maayos ang lahat ng pondo ng pamahalaan, kaya naman kakalat din ang pag-unlad sa lahat ng panig ng bansa.
Isinusulong ng Lacson-Sotto tandem ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na target na maibaba sa mga maliliit na komunidad ang pondo na maaari nilang magamit para sa kanilang mga pangangailangan na galing mismo sa kanilang suhestiyon.
Kaya naman sinusuyod ng mga kandidato ng Partido Reporma—kasama ng mga senatorial candidate na sina health advocate Dra. Minguita Padilla, dating police chief Gen. Guillermo Eleazar at dating Makati congressman Monsour del Rosario—ang mga probinsya sa bansa upang makipagdayalogo sa iba’t ibang sektor at lokal na pamahalaan.
Sa “Online Kumustahan” nina Lacson at Sotto sa Naga City nitong Biyernes (Disyembre 10), sinabi ni Lacson na kilalang mahigpit na tagapagbantay ng badyet ng bansa, na ang pangangailangan ng maliliit na barangay ang dapat tutukan ng mga nasa gobyerno.
Aniya, “Noong in-examine namin ‘yung budget sa 2022, yes merong naka-mention na devolution pero ‘yung pondo nandoon pa rin sa national agencies.”
Dahil naka-sentro sa itaas umano ang pondo, malaki ang hindi nakakarating sa mga lokal na pamahalaan, o kung nakakarating man ay malayo sa kanilang pangangailangan.
Kaya giit ng mambabatas, “This is what we are trying to correct and we will correct. Kasi kung ang needs and priorities hindi alam ng national government how will they respond to the needs and priorities of the local government unit?”
Sabi pa ni Sotto nasa krisis ang bansa ngayon dahil sa mga kinakaharap na problema ng bansa tulad ng epekto ng pandemya sa ekonomiya, peace and order, at droga.
“Marami kaming ginawang batas na pinapakinabangan ng buong bansa pero to us, there is much to be desired pagdating sa implementasyon, pagdating sa execution,” sabi pa ni Sotto.
Ibinigay nilang halimbawa dito ang inilaang P5.58 bilyon pondo ng Senado para sa matulungan ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na apektado ng lockdown. Pero sa kabila ng malaking pondo ay isang porsyento pa lang umano ang naipamimigay at ngayon ay inihahabol pa lang ang distribusyon ng pinansyal na ayuda.