Ipinag-utos ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang pisikal na pagsasara ng lahat ng korte sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng Enero sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa inilabas na Memorandum 10-2022, ipinapatigil muna ang pisikal na pagbubukas ng mga korte bunsod ng mataas na pagsipa ng COVID-19.
Partikular sa National Capital Region (NCR), Nueva Ecija, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Kasama ang Baguio City sa Cordillera Autonomous Region, Dagupan City sa Region 1, Santiago City at Cagayan sa Region 2, Angeles City, Bataan, Olongapo City, Zambales sa Region 3.
Maging sa Batangas at Lucena City sa Region 4-A; Naga City sa Region 5, Iloilo City sa Region 6 at Lapu-Lapu City sa Region 7.
Base pa sa memo ni Gesmundo, mula Korte Suprema hanggang 1 level courts ay sarado kung saan maari silang maka-ugnayan sa pamamagitan ng telepono, email addresses at Facebook accounts.
Ang lahat naman ng in-court hearings ay suspendido pero tuloy pa rin ang fully remote videoconferencing hearings ng mga mahahalagang gawain tulad ng inquests, bail hearings, promulgation ng acquittals o dismissals, temporary o permanent protection order, habeas corpus suits, at kaparehas na kaso gayundin ang election-related cases.