Lalaki, arestado matapos magnakaw ng toilet paper dahil umano sa panic mula sa coronavirus

Arestado ang isang lalaki mula Florida matapos itong magnakaw ng toilet paper sa gitna ng kumakalat ngayong COVID-19.

Hinuli si Safraz Shadeek Shakoor, 25 sa Clearwater, Florida noong umaga ng Martes nang mahuli itong nanloob sa truck ng kanyang kapitbahay at saka nagulimbat ng anim na pack ng naturang tissue.

Base sa arrest affidavit, nagkakahalaga ng $1 o mahigit P50 ang bawat pakete ng tissue.


Agad umanong ipinatawag ng mga pulis si Shakoor nang maaktuhan ang pagnanakaw nito ng mga nakarolyong toilet paper saka inilagay sa kanyang bulsa.

Ayon sa report ng awtoridad, wala silang nakikitang indikasyon na lulong sa alak o droga ang suspek nang mangyari ang insidente.

Wala rin daw kahit anong sinyales ng mental health issues si Shakoor para gawin ang pagnanakaw.

Samantala, mariin naman nitong itinanggi ang panloloob ngunit nakuhanan sa surveillance camera ng bahay ang nangyari.

Humaharap sa reklamong burglary at binigyan ng piyansa na may mahigit 200,000 si Shakoor.

Nakikita naman ng pulisya na ang motibo ng insidente ay ang takot o panic nito na maubusan ng mga produktong kinakailangan sa pagkalat ng coronavirus.

Facebook Comments