Lalaki, arestado matapos magpanggap na miyembro ng PNP Special Action Force

Quezon City – Hawak ngayon ng Special Operation Unit ng CIDG ang isang lalaking nagpanggap na opisyal na pulis na naaresto kanina sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City.

Nakasuot pa ng uniporme ng Special Action Force si Robert Esperanza na nagpapanggap na may ranggong Sr. Supt. at Deputy Director for Operations ng Special Action Force o SAF.

Kumpleto siya ng halos lahat ng gamit ng pulis kabilang na ang tsapa, police insignia, calling card ng PNP, baril, commemorative plate ng PNPA at ibat ibang police ID, maging mga larawan na siya ay naka-unipormeng pang pulis.


Inamin ni Ezperanza na sumama ang kanyang loob dahil sa kabiguang maging pulis.

Bumagsak raw kasi siya ng exam sa PNPA noong 1990 kaya hindi natuloy ang kanyang pangarap.

Sa ngayon, nagsasagawa ng imbestigasyon ng mga otoridad.

Sa inisyal na pag-iimbestiga may reklamo ng pangingikil laban kay Esperanza.

Dahil dito ikinasa ng CIDG ang kanilang operasyon hanggang sa masakote si Esperanza.

Facebook Comments