Tinanggal ang kalahati ng atay ng isang lalaki sa China matapos bulatihin makaraang kumain ng ‘di gaanong lutong isda.
Sa ulat ng Hangzhou First People’s Hospital, nagpakonsulta ang 55-anyos na lalaki nang ‘di na kayanin ang nararamdamang pagkahapo at pananakit ng tiyan.
Noong Pebrero pa umano nagsimula ang sintomas ng pasyente, ngunit isinantabi ito sa pag-aakalang dulot ito ng depresyon.
Maging ang mga doktor ay nawindang nang makita sa atay ng pasyente ang bukol na may habang 7.5 pulgada at lalim na 4.7 pulgada at puno ng nana.
Unang sinubukan ng mga surgeon na alisin lang ang nana, ngunit nagpasya kalaunan na tapyasin na ang kalahati ng atay dahil sa pagkalat ng impeksyon.
Batay sa sumunod na pagsusuri, nalamang clonorchiasis ang tumama sa lalaki — impeksyong sanhi ng Chinese liver fluke o parasitikong nakukuha sa mga hilaw na isda.
Maaaring nakakakain ang pasyente ng isdang mayroong flatworm na nangitlog sa kanyang atay, sanhi ng pagkakasakit.
Aminado naman ang lalaki na mahilig sa hilaw na isda para raw mas manatili ang lasa nito.
Masuwerte namang naagapan ang kondisyon ng pasyente dahil ayon sa ulat, maaaring mangitlog ang liver fluke ng hanggang 2,000 na mamumutakte sa organs nang 20 hanggang 30 taon.