LALAKI, DEAD ON ARRIVAL MATAPOS BARILIN SA KANYANG BAHAY; DATING ALITAN, POSIBLENG MOTIBO

Cauayan City – Dead on Arrival ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng kaniyang bahay sa Purok 1, Barangay Villaflor, Cauayan City, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si Armando Manuel, 42-anyos at residente ng naturang barangay.

Sa nakuhang impormasyon NG IFM News Team sa Cauayan City Police Statio, ilang beses umanong binato ang bahay ng biktima bago nito bahagyang binuksan ang kanilang pinto upang silipin ang nangyayari. Dito na siya pinaputukan ng suspek at tinamaan ng bala sa kanang bahagi ng katawan.

Agad humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa mga tauhan ng 4th Platoon, 2nd IPMFC na mabilis namang rumesponde at isinugod ang biktima sa Isabela United Doctors Medical Specialist para sa agarang lunas, ngunit idineklarang dead on arrival.

Batay sa karagdagang impormasyon mula sa mga awtoridad, napag-alamang dati nang nasangkot ang biktima sa isang kasong attempted homicide at kasalukuyang nasa ilalim ng probation.

Isa ito sa mga sinisilip na anggulo ng mga imbestigador bilang posibleng motibo sa krimen.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at crime scene processing sa lugar ng insidente sa pangunguna ng forensic unit ng Cauayan City. Tinututukan na rin ng mga pulis ang posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng tumakas na salarin.

Facebook Comments