
Hindi maganda ang hinala ni dating Senador at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative-elect Leila de Lima sa timing ng paghingi ng Ombudsman ng paliwanag kay Vice President Sara Duterte.
Hinggil ito sa rekomendasyon ng House Committee on Good Government na sampahan si VP Duterte ng mga kasong plunder, technical malversation, at iba pa kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kapansin-pansin para kay De Lima na magkakatugma at nagpapakita ng isang pattern ang sunod-sunod na mga aksyon — mula sa biglaang kautusan ng Ombudsman na magsumite ng counter-affidavit hanggang sa nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kinukuwestiyon sa pagpapasa ng Articles of Impeachment.
Sa tingin ni De Lima, bahagi ng estratehiya na posibleng aaksyunan agad ng Ombudsman Samuel Martires ang isusumiteng counter affidavit ng Bise Presidente Martires para ibasura ang mga kasong inirerekomendang isampa rito na makaaapekto sa kinakaharap nitong impeachment case.
Binanggit pa ni De Lima na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagtalaga kay Martires kaya hindi maiwasan na mapagdudahan ang mga hakbang nito ngayon.