TOTTENHAM, London – Panghabambuhay na pagkakakulong ang ipinataw sa 23-anyos na lalaki matapos nitong gahasain at patayin ang isang 89-anyos na byuda sa loob ng kanyang sariling bahay noong Agosto nakaraang taon.
Ayon sa report, pinasok ng suspek na si Reece Dempster ang bahay ni Dorothy Woolmer kung saan niya hinalay at hinampas sa ulo’t katawan ang biktima.
Natutulog daw noon ang ginang nang gawin ng suspek ang krimen na naiulat na nakainom at nakadroga noong mga panahong iyon.
Matapos ang pagpatay, kinuha pa raw nito ang pitaka ng biktima at nagnakaw din ng dalawang bote ng alak bago tuluyang umalis.
Makalipas ang ilang oras ay natagpuan ang walang buhay at nakahubad na biyuda ng kanyang kapatid at kaibigan.
Sa salaysay ni judge Mr. Justice Edis sa pagdinig, ang pagpatay ni Dempster kay Woolmer ay para lang sa sariling kasiyahan.
”I have no doubt your behaviour was influenced by your consumption of drink and crack cocaine, but that does not excuse what you did,” aniya.
Inilarawan din niya ang suspek na isang mapanganib na lalaki.
Sabi niya, “You seemed to have killed her for pleasure in your drunken state, the murder involved sexual or sadistic conduct. You are a very dangerous man.”
Samantala, labis naman ang pangungulila ng mga kaanak ng biktima dahil sa nangyari.