Lalaki, hinuli matapos umanong gahasain ang isang dalagita sa loob ng 8 taon

4157

Nadakip ng awtoridad ang 27-anyos na lalaki na suspek sa panggagahasa ng 15-anyos na dalagita sa Navotas noong Enero 19, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Angelino Fernando, taga Brgy. Bayan-Bayanan, Malabon City na sinasabing walong taon nang hinahalay ang biktima na itinago sa pangalang Aryana.


Ayon sa ulat, 7-anyos pa lamang si Aryana nang simulang gawing parausan ni Fernando.

Pinasok daw siya noon ng suspek sa kwarto habang natutulog ito sa kanilang bahay sa Tambak 1, Brgy. Tanza 2 saka kinarga at inilipat sa isang silid at doon sinimulan ang pangmomolestiya.

Hindi raw dito natapos ang krimen dahil umabot ng ilang taon na paulit-ulit na ginagawa ni Fernando ang panggagahasa.

Matapos ang walong taon, saka lang nagkaroon ng lakas ng loob ang biktima na magsumbong sa kanyang kapatid.

Kwento nito, tinakot umano siya ng suspek at sinabing huwag magsasabi kahit kanino.

Nagpasyang sabihin ni Aryana ang panggagahasa nang malaman nitong maging ang kanyang matalik na kaibigan ang hinahalay din ng suspek.

Humaharap sa kasong paglabag sa R.A. 8353 of Anti Rape Law ang suspek sa pulisya sa Navotas samantalang nasagip naman ang biktima.

Facebook Comments
From Advertisers