Lalaki, Huli sa Pag-iingat ng Illegal na Baril

Cauayan City, Isabela- Bahagyang nagkaroon ng tensyon ang ginawang pagsisilbi ng search warrant ng mga kapulisan sa isang tahanan sa Brgy. District 1, Benito Soliven, Isabela matapos mag-react ang pamilya ng nahuli sa pag-iingat ng iligal na baril.

Sa eksklusibong pagsama ng 98.5 iFM Cauayan Newsteam, dakong alas 6:00 ng umaga kahapon nang pasukin ng mga kasapi ng Benito Police Station ang bahay ng suspek na kinilalang si Arnold Reymundo, 36 taong gulang at residente ng barangay District 1.

Ito ay sa bisa ng search warrant na inilabas ni hukom Andrew Barcena ng RTC Branch 17, City of Ilagan, Isabela.


Nakuha sa loob ng bahay ng suspek ang isang Caliber 38 na baril, may dalawang (2) bala at walang serial number.

Mariin namang itinatanggi ng kapamilya ng suspek ang umano’y pag-iingat nito ng baril at pinaratangan ang mga pulis na nagsagawa ng paghahalughog na itinanim lamang ang nakuhang baril.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek at nakatakda itong sampahan ngayong araw ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ayon naman kay PCapt Glanery Cabeliza, hepe ng pulisya, madalas talaga aniya na itinatanggi ng mga suspek o ng kapamilya ang kanilang pagkakahuli sa illigal na baril.

Una nang inireklamo ng concerned citizen at mga kapitbahay ang nasabing suspek dahil sa madalas nitong pagpapaputok ng baril.

Nabatid din na mayroon nang dating record sa barangay ang nasabing suspek.

Facebook Comments