China – Imbes na mapabuti ang kalusugan ng isang lalaki sa Harbin, China ay lalo pa itong napasama matapos sundin ang nabasa niyang health tips mula sa social media.
Kuwento ng 58 anyos na si Zhou Xin, mayroon kasing lumabas na balita na makakaranas ng “Three Hottest Days of the Year” ang kanilang lugar.
Nang mabalitaan ito ni Zhou ay kaagad itong humanap ng mga alternatibong paraan upang makaiwas sa inaasahang matinding init ng panahon.
Ayon pa kay Zhou, may nabasa siyang mga “tip” sa social media na akmang-akma sa nabalitaan niyang paparating na mainit na panahon.
Pero ang malaking pagkakamali ni Zhou ay hindi niya inintinding mabuti ang nabasa niyang health tips.
Nabatid na itinigil pala ni Zhou ang pag-inom ng kanyang maintenance ng tatlong araw dahil batay sa nabasa niya ay wala dapat iinuming anumang gamot.
Pero lumipas ang tatlong araw at wala naman silang naranasang matinding init ng panahon.
Ilang araw pa ang lumipas at nagsimula nang makaramdam ng paninikip ng dibdib si Zhou hanggang sa isang araw ay bigla na lang itong nag-collapse habang naghahapunan kasama ang kanyang mga kaibigan.
Naisugod pa si Zhou sa ospital pero kinalaunan ay binawian din ito ng buhay.