Nakarating sa bingit ng kamatayan ang isang lalaki nang dahil sa piraso ng popcorn na sumiksik sa pagitan ng kanyang mga ngipin.
May naiwang piraso sa kaliwang bagang ni Adam Martin noong kumain siya ng popcorn, kasalo ang misis na si Helen, sa kanilang bahay sa Cornwall, United Kingdom, nakaraang Setyembre.
Sinubukan ng 41-anyos bumbero na tanggalin ang popcorn gamit ang kung anu-anong bagay raw na nakita niya sa bahay gaya ng toothpick, takip ng ballpen, wire, at maging ang pako, ayon sa ulat ng New York Post.
Isang linggong nakalipas nang makaramdam si Martin ng mga sintomas na tulad ng sa trangkaso, at kumonsulta sa general practitioner (GP).
Sumailalim sa blood test at x-ray ang pasyente na nag-resulta lang sa bahagyang pagtaas ng inflammatory markers.
Pinauwi si Martin ngunit ilang araw lang nang magkaroon naman siya ng paltos ng dugo sa daliri sa paa, dahilan para bumalik sa ospital at bantayan ang lumalala niyang kondisyon noong Oktubre.
Nakaranas ang pasyente ng matinding pagpapawis tuwing gabi, panghihina, pananakit ng ulo, at abnormal na tunog ng tibok na puso — na senyales lahat ng endocarditis.
Habang ang paltos naman sa paanan niya ay napag-alamang Janeway lesion, na sintomas din ng nasabing impeksyon.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang endocarditis ay impeksyon sa inner lining ng puso na sanhi karaniwang ng bacteria.
Nadiskubre ng mga doktor na matindi ang pinsala sa puso ni Martin at kinakailangan ng emergency operation.
Inilipat siya ng ospital noong Oktubre 29 kung saan siya sumailalim sa pitong oras na open-heart surgery.
“My heart was not properly working anymore. It was essentially wrecked. The infection had eaten the valves away,” ani Martin.
Pinagsisihan naman niya ang hindi pagpunta sa dentista sa una pa lamang.
Naging mabilis naman umano ang paggaling ni Martin na nakauwi rin sa kanilang bahay noong katapusan ng Oktubre.