Lalaki na Namaril sa Bayaw, Arestado sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Natimbog rin ng mga otoridad ang suspek sa pamamaril sa mismong bayaw nito sa bayan ng Buguey, Cagayan.

Sa patuloy na hot pursuit operation ng PNP Buguey, matagumpay na naaresto sa bahay ng kanyang mga magulang sa nasabing bayan ang suspek na si Eric Gallardo Baclig, 25 taong gulang, may-asawa, laborer at residente ng Barangay Pattao, Buguey, Cagayan.

Una rito, nangyari ang pamamaril ng suspek dakong alas 8:30 ng gabi noong ika-27 ng Agosto 2021 sa bayaw nito na si Eric Taloza Umoquit, 33 taong gulang, laborer at residente naman ng barangay Tabbac.


Magsasara na sana ng pintuan ang biktima nang bigla siyang barilin ng suspek na nakapwesto mula sa bakod ng bahay ng biktima.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan ang biktima na agad namang naisugod sa pagamutan.

Narekober naman ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng 9mm na baril.

Nasa kustodiya na ng Buguey Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong bigong pagpatay.

Kritikal naman ang kalagayan ng biktima na nasa sa isang ospital sa Aparri, Cagayan.

Facebook Comments