Lalaki, naaresto matapos madiskubre ang itinagong droga sa burger

Naaresto ang isang lalaki matapos mapansin ang kahina-hinalang dalang pagkain para sa kaniyang live-in partner na isa sa mga Persons Under Police Custody (PUPC) sa Jose Panganiban Municipal Police Station sa Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si “Nato,” 52 taong gulang, at residente ng nasabing lugar.

Sa isinagawang regular na inspeksyon, natuklasan sa dalang burger ng suspek ang isang tissue paper na naglalaman ng dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na hinihinalang shabu.

Tinatayang nagkakahalaga ng ₱8,840 ang nasabing ilegal na droga at may kabuuang bigat na 1.3 gramo.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ito ng pulisya para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments