Lalaki, Nakaiwas kay Kamatayan!

127

Cauayan City, Isabela- Nakaligtas ang isang lalaki makaraang pagbabarilin sa pambansang lansangan sa bahagi ng Brgy Agusi, Camalaniugan, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Patrick Perigil, 31 anyos, may-asawa, walang trabaho at residente ng Brgy. Centro Norte, Camalaniugan, Cagayan habang ang suspek ay hindi pa makilala.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang pauwi sa kanilang bahay ang biktima lulan ang minamanehong motorsiklo na walang plaka at nang makarating sa madilim na bahagi ng kalsada ay biglang sumulpot ang suspek at pinaputukan ng dalawang beses ang biktima.

Agad namang nakaiwas at nakapagtago sa madilim na lugar ang biktima nang siya’y paputukan ng suspek.

Tumakas rin ang suspek lulan ang hindi pa matukoy na motorsiklo patungo sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.

Narekober ng mga rumespondeng pulis sa lugar ang dalawang (2) basyo ng bala ng Caliber 45 na baril.

Nagpapagaling na sa pagamutan ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang braso habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.

Facebook Comments