AUCKLAND, New Zealand – Maswerteng nakaligtas mula sa pag-atake ng pating ang isang surfer nang masuntok niya ito ng dalawang beses sa mata.
Kwento ni Nick Minogue, nagsu-surfing siya noon 300 metrong layo mula Pauanui Beach sa Coromandel Peninsula nang mangyari ang insidente noong umaga ng Sabado, Pebrero 22(UK time).
Aniya, bigla raw sumulpot ang naturang pating at tumama sa kanyang surf board at naramdaman niya ang paghampas nito sa kaliwang bahagi ng kanyang braso.
Sa kalagitnaan ng insidente, naalala raw niya ang sabi-sabi na kahinaan ng mga hayop na ito ang masuntok sa mata o sa ilong.
“I’d heard they didn’t like being punched in the eye or the nose or the head. So I went to punch it in the eye. It was the most vulnerable and soft target I could reach,” saad niya.
Napasigaw pa raw siya sa galit nang suntukin ang mata ng pating.
Hindi raw tumalab ang una niyang suntok kaya binigyan niya umano ito ng pangalawang suntok kung saan lumihis pa raw ng kaunti ang mata nito.
Nang makalangoy daw papalayo ang naturang pating, agad daw lumangoy pabalik sa dalampasigan si Nick.
Nagtamo siya ng hiwa sa braso at kita umano ang ilang bakas ng kagat ng naturang hayop sa ilang bahagi ng kanyang katawan.