Halik ng kamatayan mula sa alagang aso ang dumampi sa isang lalaki sa Germany, ayon sa ulat na nailabas sa European Journal of Case Reports in Internal Medicine.
Dating malusog at walang kahit anong karamdaman ang 63-anyos lalaki bago magkaroon ng mala-trangkasong sintomas na lumabas ilang linggo matapos dilaan ng alaga.
Lumabas sa pagsusuri sa Rotes Kreuz Krankenhaus Hospital na tinamaan ang pasyente ng Capnocytophaga canimorsus, impeksyong pumapatay sa tissues ng katawan sanhi ng mikrobyong nakukuha sa bibig ng mga aso at pusa, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention.
Kadalasan nakukuha ang impeksyon sa kagat ng aso kaysa sa halik, ngunit sa kaso ng pasyente, mabilis itong lumala sa loob lamang ng 30 oras.
Nagkaroon ang lalaki ng matinding sepsis, pamamantal sa balat at mga pasa.
Sa kabila ng masinsinang pag-aalaga, kumalat pa rin ang impeksyon sa kanyang kidney dahilan para pumalya ang atay, magkaroon ng pamumuo ng dugo at unti-unting mabulok ang balat.
Bagaman tagumpay na na-resuscitate ang pasyente noong una, patuloy lang na lumala ang kondisyon nito na umabot sa puntong nagdesisyon na ang mga kaanak na itigil ang life support.
Idineklarang patay ang lalaki dahil sa “multi-organ failure” 16 araw makalipas mula nang dalhin sa ospital.
Ikinababahala ng mga doktor ang sinapit ng pasyente gayong hindi naman ito nakitaan ng “immunodeficiency, splenectomy o alcohol abuse” na konektado rin sa Capnocytophaga canimorsus.
Madalang ang ganitong impeksyon at apat sa isang milyong tao lamang ang tinatamaan nito sa isang taon, ayon sa CDC.
Nitong Mayo lang, isang babae naman sa Ohio ang pinutulan ng mga braso at binti dahil din sa laway ng aso.
(BASAHIN: Babaeng nagka-impeksyon mula sa laway ng aso, pinutulan ng braso at binti)
Payo ng CDC, hindi dapat katakutan ang mga aso dahil sa bihirang kasong ito, ngunit paalala ng researchers sa mga amo, agad kumonsulta sa doktor kung magkaroon ng mala-trangkaso at kakaibang sintomas.