Lalaki, patay matapos manlaban sa pulisya sa Maynila

71

Manila, Philippines – Patay agad ang isang lalaking wanted sa batas matapos manlaban sa pulisya sa NDC Compound, Sta Mesa Maynila.

Batay sa report ng MPD Homicide Section, isisilbi lamang sana sa suspek na si Selva Benito Jr o kilala din bilang Tacks Penuliar ang isang warrant of arrest na inilabas ng Manila RTC dahil sa kasong rape.


Ngunit nang dumating ang mga pulis sa bahay ng suspek ay nakatunog ito sa operasyon kayat tumakas sa bintana ng kanyang kwarto at nagtago sa ikatlong palapag ng kanilang bahay.

Nang sundan ng pulis ay bigla itong nagpaputok kayat napilitan na ang mga operatiba ng Sta. Mesa Police station na paputukan ang suspek na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Lumabas sa imbestigasyon na kasama si Benito sa drug watchlist sa lugar at ang kasabwat umano nitong nagtutulak ng droga ay una nang naaresto ng pulisya.

Kabilang sa mga narekober ng SOCO sa crime scene ang tatlong basyo ng 9 mm na baril, isang kalibre 45 baril at isang basyo ng bala nito, at isang sachet ng hinihinalang shabu.




DZXL558, Mike Goyagoy

Facebook Comments