Lalaki, patay sa gumuhong treasure hunting site sa Bataan

Patay ang isang 54-anyos na lalaki makaraang gumuho ang lupang hinukay nila sa Barangay Sto. Cristo, Hermosa, Bataan nitong Lunes ng hapon.

Sa inisyal na ulat mula kay Police Major Jeffrey Onde, Hermosa Chief of Police, kinilala ang biktimang si Marcos Nolasco, taga-San Jose del Monte, Bulacan.

 

Ayon sa imbestigasyon, ganap na alas-2:30 ng hapon nang gumuho ang lupa sa gilid mula sa 20 talampakang lalim na hukay na pinagtatrabahuhan ng biktima.


Ang lugar ay pagmamay-ari ni Lucile Basi Enriquez sang-ayon sa ulat ng PNP.

Ayon sa anak ng biktima na si Alvin Nolasco, kasama ang dalawa pang trabahador, ay sinubukan umano nilang iligtas ang kaniyang ama subalit bigo sila dahil natabunan na ito ng maraming lupa at tubig.

Kaagad humingi ng tulong sa Hermosa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga kasamahan nito at pasado alas-6:00 na ng gabi nang ihinto muna ang paghuhukay at hindi pa rin na-retrieve ang katawan ng biktima.

 

Ayon sa ilang source, posible umanong treasure hunting ang pakay sa naturang paghuhukay.

Kilala ang Bataan na maraming mga nakabaong mga ginto sa iba’t ibang lugar na bahagi umano ng pamosong Yamashita treasures na pinaniniwalaang ibinaon noon sa kasagsagan ng World War 2.

Facebook Comments