Lalaki sa US, tinangkang sunugin ang isang 4-anyos na sinapian daw ng demonyo

235

Arestado ang isang lalaki sa Pennsylvania, USA matapos subukang silaban nang buhay ang 4-taon-gulang na paslit na sinapian daw ng demonyo.

Dinakip ang kinilalang si Josiah James McIntosh, 27, nang rumesponde ang pulisya sa tawag na may insidente ng “domestic disturbance” sa Southmont Borough, noong Miyerkules, Mayo 13, ayon sa ulat ng WJAC.


Nang makarating sa inireklamong bahay, nadatnan ng awtoridad ang isang batang lalaki na nakahubad at basang-basa ng gasolina.

Batay sa salaysay ng isang saksi, binuhusan ng suspek ang bata ng gasolina at nagbantang susunugin siya dahil anito, “If we can’t get out the demon, I’ll burn it out of him.”

Sinubukan pa umano ng saksi na pigilan si McIntosh, ngunit sinuntok at binato siya nito ng ladrilyo sa ulo.

Matapos ang saglit na paghahalughog sa lugar, natagpuan ng pulisya ang suspek na amoy gasolina at may hawak na lighter.

Hindi naman nilinaw ng awtoridad ang relasyon ng bata sa suspek, ngunit ayon sa The Tribune-Democrat ay mag-ama ang dalawa.




Nahaharap si McIntosh sa patong-patong na kasong aggravated assault of a person less than 6 years old, simple assault, reckless endangerment, making terroristic threats, arson at child endangerment.

Facebook Comments