Sinaklolohan ng isang lalaki ang 6-taon-gulang na babaeng inatake ng mountain lion o puma sa wildlife park sa California, USA, sa pamamagitan ng suntok.
Naglilibot ang biktima, kasama ang kanyang mga magulang at grupo ng ilang bata at matatanda noong Linggo, sa Rancho San Antonio County Park nang bumulaga mula sa damuhan ang puma.
Isa sa mga matatanda ang umaksyon at sinapak sa tadyang ang hayop na may bigat na 70-kg, habang nag-ingay naman ang iba para takutin ang hayop, ayon sa ulat ng KGO-TV.
Agad namang binigyan ng paunang-lunas ng park ranger ang paslit na nagtamo ng minor injuries.
Ayon pa sa ulat, nangyari ang insidente malapit na sa parking lot ng parke at madalang din umanong may magpakitang mountain lion.
Isinara muna ang parke habang pinaghahanap ng California Department of Fish and Wildlife ang umatakeng hayop.
Simula 1986 ay 17 katao na ang naitalang inatake ng puma sa lugar, ayon sa awtoridad.