Lalaki, tumangay ng pera at gadgets sa tatlong bahay sa Quezon City

Manila, Philippines – Tinutugis ngayon ng mga otoridad ang isang lalaking nagnakaw ng pera at mga gadget mula sa tatlong bahay sa isang compound sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV, makikitang tila tambay lamang ang lalaki sa lugar at pumasok sa compound.

Paglabas nito ay bitbit na nito ang isang bag pero matapos na tingnan ang laman ay iniwan lamang niya ito.


Muling pumasok ang lalaki sa compound saka niya nasungkit ang isang bag na may lamang pera.

Habang palabas ng compound ay may isinilid ang lalaki sa kanyang shorts saka umalis.

Pero bumalik ulit ang lalaki at pinuntirya ang katabing bahay kung saan nakadali ulit ito ng pera at gadgets.

Hindi pa rito natatapos dahil pinasok pa nito ang ikatlong bahay sa compound at dito siya nakakuha ng isa pang cellphone.

Ayon kay Brgy. Commonwealth Deputy Executive Officer Arman Viduya – patuloy ang pangangalap nila ng impormasyon sa pangkakakilanlan ng suspek.

Nabatid na huling namataan ang suspek sa katabing barangay.
DZXL558

Facebook Comments