Lalaking tumangay ng mga cellphone sa isang carwash sa Quezon City, huli sa CCTV

Manila, Philippines – Nahuli-cam ang pagtangay ng isang lalaki sa isang cellphone nang pasukin niya ang isang carwash shop sa Quezon City.

Sa video, makikita ang lalaking pumunta sa isang sulok malapit sa target nitong carwash at biglang umakyat sa pader at tuluyang nakapasok sa establisyimento.

Nang makarating ito sa garahe, tumambad sa kanya ang aabot sa 20 carwash boy na mahimbing natutulog.


Pumasok ito sa isang kwarto at pagkatapos ay tila may na bitbit na nito hanggang sa makalabas.

Ayon sa may-ari ng carwash na si Michael Castillo – aabot sa pitong cellphone ang natangay ng suspek.

Bago pa aniya ang insidente, may kahina-hinala nang lalaki umaaligid sa kanilang lugar.

Sinabi naman ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar – desperado ang suspek na pasukin ang isang lugar kapag alam nito’y natutulog ang mga bantay.

Naniniwala rin si Eleazar – na bihasa na ang suspek base sa mga kilos nito sa pamamagitan ng CCTV.
Patuloy pa ring inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek.

Facebook Comments